-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Patay ang provincial most wanted person ng Masbate matapos na mauwi sa shootout ang pagsisilbi sana ng warrants of arrest sa Barangay Puro, bayan ng Aroroy.

Kinilala ang suspek na si Roy Flores, 26, itinuturing na number 4 sa Masbate provincial most wanted persons at pangalawa naman sa listahan ng most wanted persons ng Aroroy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay police C/Insp. Louie Manuel Dela Peña, hepe ng Aroroy Municipal Police, isisilbi sana ng mga otoridad ang dalawang warrant of arrest kay Flores na nahaharap sa kasong robbery with force upon things at robbery with homicide nang mangyari ang insidente.

Lalapitan pa lamang ng operating team sa Sitio Soba ang suspek nang bumunot daw ito ng kanyang handgun at pinaputukan ang mga pulis kung kaya gumanti rin ng putok ang mga ito.

Tumagal ng ilang minuto ang shootout at tinamaan ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkamatay. Narekober naman dito ang isang caliber 45 na baril.

Ayon kay Dela Peña, aktibong miyembro si Flores ng Arkabado group na nag-o-operate ng robbery-hold up sa second district ng lalawigan at kung minsan ay binabayaran bilang gun-for-hire.

Umaasa naman ang hepe na sa pagkamatay ng itinuturing na lider ng grupo, mababawasan na ang mga insidente ng pagnanakaw sa lugar.