KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakapatay ng isang most wanted person na umano’y sangkot sa bigtime carnapping syndicate sa Lambayong, Sultan Kudarat.
Kinilala ni Police Major Jenahmeel Toñacao, hepe ng Lambayong PNP ang nasawi na si Abudi Sagabain Palakasi alias Abu Sagabain, 29-anyos, empleyado ng AMABI Banana Plantation at residente ng Barangay New Cebu, Lambayong.
Ayon kay Toñacao, namataan umano ng mga nagpapatrolyang pulis ang suspek at handing dumaan sa checkpoint ng mapansin ng mga ito ang kahina-hinalang kinikilos nito.
Ngunit nang lapitan ito ng mga pulis, agad nagpaputok ng kanyang armas si Palakasi kaya’t ginantihan din ito ng mga otoridad.
Nagtamo ng malubhang tama ng bala ang suspek na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Narekober ng mga pulis kay Palakasi ang isang 45 pistol, Honda XRM 125 motorcycle, at isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Napag-alaman na si Palakasi ay wanted sa two counts of murder at sangkot umano sa malaking sindikato ng robbery at carnapping incidents sa lalawigan ng Sultan Kudarat.