VIGAN CITY – Tatlong bilang ng kasong murder o pagpatay ang kinakaharap ng isang lalaki na napag-alaman na most wanted person sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nahuli sa Brgy. Kili, Tubo, Abra.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, napag-alaman na ang suspek na si Marlon Butil, 40, na taga- Tabacda, Tubo, Abra ang itinuturong suspek sa pagpatay sa tatlong lalaking mangangaso sa Besao, Mountain Province noong buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon.
Nakilala ang mga biktima na sina Jansen Gabaen, Ronnie Macayba at Pedro Sauyen na pare-parehong taga- Agawa, Besao, Mountain Province na nakita ang kanilang mga duguang katawan malapit sa Nakanga River sa bayan ng Tubo noong Mayo 27, isang linggo ang nakalipas matapos na maipaulat na sila ay nawawala.
Ang pagkakahuli sa suspek ay sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Acting Presiding Judge Elizabeth Bringas ng Regional Trial Court Branch 58, Bucay, Abra kung saan walang piyansang inirekomenda ang korte para sa kaniyang temporaryong kalayaan.
Sa ngayon, nakakustodiya pa sa Tubo municipal police station ang suspek at hinihintay na lamang ang court order para mailipat ito sa provincial jail.