-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Tuluyan nang na-neutralize ng mga otoridad ang itinuturing na most wanted terrorist leader ng Dawla Islamiya terror group at asawa nito sa inilunsad na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP sa bayan ng Talayan, Maguindanao.

Salahuddin Hassan dawla islamiya DI

Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang mga nasawi na sina Salahuddin Hassan alyas Orak, umano’y overall emir ng Dawlah Islamiya-Philippines at asawa nitong si Jehana Minbida, na tumatayong finance officer ng grupo.

Ayon kay Baldomar, nakasagupa ng tropa ng 1st Mechanized Brigade, Philippine Army sa pamumuno ni Col. Pedro Balisi ang grupo ni Hassan sa Sito Pinareng, Brgy. Damablac, Talayan, Maguindanao na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa.

Una rito, iniulat umano ang presensiya ng mga armadong kalalakihan kaya’t nagsagawa ng operasyon ang mga sundalo kasama ang pulisya at doon na nagkasagupa ang dalawang panig.

Dahil sa palitan ng putok ay malubhang tinamaan si Hassan at asawa nito na iniwan na lamang ng mga kasamahan ng mga ito na tumakas palayo.

Kabilang sa mga narekober ay ang iba’t ibang high powered firearms, mga war materials at mga subersibong dokumento.

Salahuddin Hassan dawla islamiya

Napag-alaman na si Hassan ay ang dating leader at founder ng notorious Al-Khobar group na sangkot sa iba’t ibang terroristic attacks at pambobomba sa Mindanao.

Siya ay naging estudyante ng mga foreign terrorist na napatay din sa operasyon na sina Basit Usman at Malaysian terrorist Zulkifli Abdhir alyas Marwan.

Sinasbaing pinalitan ni Hassan ang dating over-all emir ng DI-Philippines na si Hatib Hajan Sawadjaan matapos mapatay din sa operasyon ng mga otoridad noong taong 2020.

Itinuturo din siyang mastermind sa Yellow bus unit bombing nitong taon sa Tulunan, North Cotabato at panununog ng Yellow bus unit sa M’lang, Cotabato noong Hunyo 3, 2021 na nagresulta sa pagkamatay ng apat na sibilyan.

Ang grupo ni Hassan ay responsable rin daw sa mga extortion, liquidation at pambobomba sa Central Mindanao kabilang na ang 2014 Maramag, Bukidnon Rural Transit bus bombing na pumatay ng 11 indibidwal; Davao Night Market bombing noong 2016 na pumatay ng 14 sibilyan at Isulan twin bombing noong 2018 na nasawi ang limang indibidwal at ikinasugat ng mahigit 40 sibilyan.