Pinalagan ni Senate Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang mosyon ng kampo ni KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy para ilagay ito sa ilalim ng hospital arrest sa Davao city.
Sa isang statement, sinabi ng Senadora na seryosong mga krimen ng human trafficking, rape, at child abuse ang kinakaharap ni Quiboloy kayat dapat aniya na patas ang trato sa mga akusado, anuman ang kanilang katayuan o koneksyon.
Giit pa ng mambabatas na dapat walang special treatment sa pastor.
Banat pa ni Sen. Hontiveros na napaka-entitled at wala sa lugar ang paghiling ni Quiboloy ng hospital arrest sa Davao at kinuwestiyon kung bakit sa Davao at dahil ba may maimpluwensiyang kaibigan ito doon.
Wala din umanong karapatan si Quiboloy na mamili kung saan niya gustong ma-detine dahil wala na ito sa loob ng “King Dome,” kayat huwag na umano siyang mag-astang Diyos.
Ginawa ng Senadora ang pahayag matapos sabihin ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na nag-mosyon ang mga abogado ni Quiboloy sa Pasig City Regional Trial Court Branch 159 para mailipat ang pastor kasama ang kapwa akusado nito na si Ingrid Canada sa Veterans Memorial Medical Center sa Davao dahil umano sa kanilang existing medical condition at nahihirapan sa custodial facility.
Samantala, bilang tugon sa naturang mosyon, iminandato ng hukom ang PNP na makipag-tulungan sa government doctors para sa medical checkup nina Quiboloy at Canada.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ng korte na manatili muna si Quiboloy sa PNP detention facility habang nakabinbin pa ang resolution para sa kaniyang medical checkup habang ang 4 na kapwa akusado nito ay ipinag-utos na mailipat sa Pasig City jail.