-- Advertisements --

Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Sen. Jinggoy Estrada na humahamon sa ebidensya ng prosekusyon para mabasura ang kanyang plunder case kaugnay ng pork barrel scam.

Ayon sa 5th Division, nakahanap ng sapat na batayan ang mga mahistrado para katigan ang ebidensya ng prosekusyon laban sa umano’y sabwatan nila Estrada at kapwa akusadong si Janet Lim-Napoles.

Nabatid ng anti-graft court na naglaro sa 40 hanggang 60-percent ng Priority Development Assistance Fund ni Jinggoy ang ipinasok sa pekeng non-government organizations ni Napoles kapalit ng kickbacks at komisyon.

Dahil dito, tuloy ang usad ng kaso ni Estrada at nakatakda ng iharap ng kampo nito ang depensa kontra sa kasong plunder.

Bukod sa mosyon ng dating senador, ibinasura rin ng Sandiganbayan ang parehong apela ni Napoles.