Hindi tuluyang naabot ng mother boat ng civilian convoy ng Atin Ito Coalition ang bahagi ng Bajo de Masinloc shoal sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos na magdesisyon ang kapitan ng naturang mother boat na FB Bing Bing na si Agustin Bustillos na huwag nang ituloy pa ang paglalayag patungo sa nasabing lugar dahil sa mga bantang maaaring idulot ng mga barko ng China.
Sa kasagsagan kasi ng kanilang paglalayag noong Huwebes ng umaga, Mayo 16, 2024, namataang binubuntutan ng CCG vessel 4203 ang naturang mother boat, sa layong 200 meters.
Habang pagsapit naman ng hapon ay na-monitor din nito ang pag ali-paligid ng barkong pandigma ng China sa lugar kung nasaan din ang mother boat ng nasabing civilian convoy dahilan upang hindi na nila nagawang matuloy pa ang kanilang paglalayag hanggang sa Bajo de Masinloc shoal.
Sa kabuuan, mayroong tatlong barko ng China Coast Guard at ilang barko ng People’s Liberation Army Navy ship ang nagtangkang pigilan ang ikinasang Civilian mission ng Atin Ito Coalition kung saan una nang napaulat ang ginawang shadowing ng CCG vessel 4109 at ang paglapit naman sa convoy ng CCG vessel 4108 sa layong 100 meters sa pagsisimula ng kanilang paglalayag noong Mayo 15, 2024, na nagresulta naman ng palitan ng radio challenge sa pagitan ng PCG at CCG.
Dahil dito ay nasa 50 nautical miles lamang ang naabot ng mother boat ng nasabing civil society group mula sa Bajo de Masinloc shoal.
Gayunpaman ay itinuturing pa rin ng Atin Ito Coalition na mission accomplished ang kanilang isinagawang aktibidad sapagkat sa kabila nito ay nagawa pa rin ng kanilang advance team na marating ang mismong bisinidad ng Bajo de Masinloc shoal sa kabila ng tangkang panghaharang ng mga barko ng China sa kanilang convoy.
Habang matagumpay din nilang naisagawa ang solidarity and peace regatta ng 100 small fishing boats Sa loob ng EEZ ng Pilipinas, gayundin ang paglalagay ng mga symbolic markers o buoy sa lugar na may mga katagang “WPS Atin Ito. “
Maging ang pamamahagi ng mga donasyong supply na kinabibilangan ng 1,000 liters ng langis at 200 Food packs para sa ating mga kababayang Pilipinong mangingisda na pumapalaot sa Panatag shoal.
Samantala, batay sa pinakahuling ulat ng Atin Ito coalition, nakabalik na kaninang madaling araw sa Subic fish port sa Zambales ang ilan sa mga bangkang kabilang sa Civilian convoy, habang ngayong araw din ay inaasahan na makakabalik na ng ligtas ang lahat ng mga ito mula sa naturang misyon.