Dahil sa kakulangan ng sapat na pag-aaral sa pagpapatupad ng mother tongue-based education sa mga pagtitipong may maraming wika, inilarawan ni Senador Win Gatchalian ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ng bansa bilang isang eksperimento.
“Matapos ang apat na pagdinig, maaari nang ibuod na ang Pilipinas ay naging eksperimento sa pagpapatupad ng mother tongue sa mga lugar na maraming wika,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Tinanong ni Gatchalian ang Department of Education (DepEd) kung may isinagawang pag-aaral sa pagpapatupad ng mother tongue-based education bago ito isinulong sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o K to 12 Law. Kinumpirma ng kagawaran na karamihan ng mga isinagawang pag-aaral ay ginawa sa mga homogeneous o monolinguistic settings kung saan isang wika lamang ang ginagamit.
Sa mga isinagawang pagdinig sa MTB-MLE, binigyang-diin ng mambabatas na napipilitang gumamit ang mga paaralan ng mga lokal na wikang hindi pamilyar sa mga bata, bagay na hindi naaayon sa intensyon ng batas na turuan ang mga mag-aaral sa kanilang first language o unang wika.
Ilang ulit na sinabi ni Gatchalian na bagama’t 19 na wika lamang ang saklaw ng MTB-MLE, nakatala sa 2020 Census of Population and Housing na 245 ang wika sa buong bansa.
Ayon naman sa survey ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na isinagawa sa 16,827 na mga paaralan, wala pang 10% ang nagpapatupad ng apat na minima para sa epektibong pagpapatupad ng programa: ang pagsusulat ng big books sa wika, panitikan, at kultura, dokumentasyon ng ortograpiya ng wika, dokumentasyon ng balarila, at dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.
Hinimok ni Gatchalian ang DepEd na magkaroon ng strategic plan sa pagpapatupad nito ng MTB-MLE.