ROXAS CITY – Hindi inaasahan ni Christian Degala Huenda na mapabilang sa Topnotcher sa kakatapos lang na Registered Electrical Engineer (REE) Licensure Examination na ginanap noong Setyembre 2-3, 2023.
Si Huenda, ay produkto ng Capiz State University (CapSU) – Main Campus at nagtapos noong Hunyo 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Huenda, sinabi nito na bago pa ang examination goal na nito ang mapabilang sa topnotcher list subalit hindi ito nagpapadala sa pressure sa paligid at nagfocus na lang sa 1 taong pagrereview.
Inamin nito na nakaramdam siya ng kaba sa unang araw ng examination dahil sa kakulangan ng tulog at nahirapan sa pagsagot.
Dahil dito, tinanggap na lang niya na hindi na mangyayari ang kanyang goal na mapabilang sa Top 10 at pinapanalangin na mapasa na lang ang exam.
Kaya, laking gulat ni Huenda ng lumabas ang resulta at hinirang na TOP 3 sa nasabing examination na may average na 90.05%.
Pahayag pa ni Huenda, na walang sekreto para makapasa kundi motivation, consistency, disiplina at prayer ang naging susi niya upang makamit ang inaasam na lisensya.
Napag-alaman na bago ang Registered Electrical Engineer Licensure Examination, kumuha ito ng Registered Master Electrician Licensure Examination noong Setyembre 2022 at nagtapos din sa Top 3 na may average na 94%.