CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng mga otoridad kung ano ang tunay na motibo sa pananaksak ng isang lalaki sa loob ng isang tren sa Tokyo, Japan.
Naganap ang karahasan sa Kokuryo Station sa Chofu City.
Ang tren ay naglalakbay patungong Shinjuku Station sa Central Tokyo nang mangyari ang pananaksak ng 24-anyos na lalaki na naka-costume ng pang-halloween.
Umabot sa 17 ang nasugatan sa pananaksak ng lalaki kabilang ang isang 70-anyos na lalaki na nasa kritikal na kondisyon.
Iniulat sa Bombo Radyo Cauayan ni Bombo international correspondent Myles Beltran na unang sinabuyan ng lalaki ng flammable liquid ang ilalim ng upuan ng tren gamit ang lighter na dahilan ng pag-panic ng mga pasahero at karamihan sa kanila ay lumabas mula sa loob ng tren.
Mabilis namang tumugon ang mga pulis at naaresto ang suspek.
Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang motibo ng suspek na unang sinabi na gusto niyang makapatay ng dalawang tao para mahatulan siya ng death penalty.