KALIBO, Aklan – Hiniling ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang pinuno ng Boracay Inter-Agency Task Force sa Kalibo Regional Trial Court (RTC) na isama sila sa kaso na isinampa ng mga establishment owners na tumututol sa demolisyon ng 10 gusali sa beachfront sa Sitio Bulabog, Barangay Balabag sa Boracay.
Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group (BIARMG) general manager Natividad Berdandino, nag-manifest ang task force sa RTC Branch 7 sa sala ni Presiding Judge Ronald Exmundo na magsasampa sila sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ng motion for intervention.
Layunin nito na mapangalagaan ang mga hakbang na ginagawa ng task force lalo na sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa isla.
Nauna rito, nagsampa ng civil case ang may-ari ng 10 establishment laban sa lokal na pamahalaan ng Malay na humihiling sa korte na ideklara ang demolisyon na iligal at null and void.
Batay sa ipinapatupad na patakaran sa isla, ang mga istraktura ay dapat na may 30 meters ang layo mula sa dalampasigan.
Nauna nang ipina-recall ni Malay Mayor Frolibar Bautista ang demolisyon matapos na magpalabas ang korte ng 20 araw na temporary restraining order noong Oktubre 15.
Ipinapaubaya na umano nila sa korte ang pagdesisyon sa kaso.