Sinimulan na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kanilang motu proprio (on its own) investigation kaugnay sa panibagong insidente na kinasasangkutan ng ilang pulis Caloocan.
Ito ay ang pagkahuli sa kanila sa CCTV na nanloob sa isang pribadong bahay noong September 7 at nagnakaw ng mga mahahalagang kagamitan.
Nasa 15 pulis ang may direktang partisipasyon sa insidente at pinakakasuhan na ng administrative case ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief police director Oscar Albayalde.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty Alfegar Triambulo, kanilang sisiyasatin ang insidente at kung isa itong legitimate operation.
Pero batay sa CCTV, samu’t saring paglabag ang kanilang napansin na ginawa ng mga pulis kabilang ang hindi pagprisinta ng search warrant sa may-ari ng bahay, hindi nakasuot ng uniporme ang raiding policemen, at ang pagdadala ng mga ito ng isang menor de edad sa operasyon.
Pahayag ni Triambulo posibleng kasong grave misconduct at serious irregularoty in the performance of duty ang isasampa laban sa mga sangkot na pulis.
Aniya, posibleng madamay ang team leader ng grupo sa kasong administratibo dahil sa command responsibility.