-- Advertisements --
motoringtoday.ph

Nakukulangan umano ang ilang grupo ng motor riders sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa batas ukol sa dobleng malalaking plaka para sa mga motorsiklo.

Ayon kay Rod Cruz ng grupong Arangkada sa panayam ng Bombo Radyo, sa ngayon parang walang epekto ang pag-hold ng chief executive sa batas dahil talagang wala pang paggalaw doon dahil wala namang implementing rules and regulations (IRR).

“Sa ngayon po talagang naka-hold naman ang batas dahil wala pang IRR. Sana po mabago ‘yung mismong batas dahil hindi talaga katanggap-tanggap ang laki ng multa at dami ng grey area,” wika ni Cruz.

Sinabi pa nito na mas kailangan sana nilang marinig na babaguhin ang batas o susundin ang House version na isang plaka na lang sa likuran at hindi na ang version ni Sen. Richard Gordon na doble talaga ito.

Pero sa panig ni Gordon, iginiit nitong dapat tingnan din ang mga benepisyo mula sa naturang batas at huwag puro pagpuna mula sa panig ng motor riders, lalo’t wala pa namang IRR.

Para sa senador, naninindigan lamang siya para sa panig ng mga biktima ng riding-in-tandem criminals.

“Ipinagtatanggol ko lang ang mga taong pinapatay ng mga riding-in-tandem assassins. They can no longer seek justice for themselves. How do we do justice to this people? You limit the way people can get away with riding without motor plates and riding with stolen motorcycles,” pahayag ni Gordon.