Nasabat ng Philippine Coast Guard ang isang motor vessel na sangkot umano sa paihi-system o oil smuggling sa bisinidad ng Manila Bay nitong gabi ng Huwebes.
Sa isang statement, iniulat ng PCG ngayong Biyernes na namataan ng BRP Boracay ang MV Palawan na naglalaman ng hindi matukoy na dami ng umano’y smuggled diesel fuel.
Minamanduhan ang naturang motor vessel ng 7 tripulante. Patungo sana ang naturang barko sa Navotas nang masabat ng PCG. Kinuha umano ang laman nitong fuel cargo mula sa isang tugboat.
Samantala, hinatak naman na ang MV Palawan patungo sa Pier 13 sa South Harbor, Port Area sa Manila para sa karagdagang imbestigasyon.
Ang pagkakasabat sa naturang motor vessel ay sa gitna ng pinaigting na operasyon ng PCG laban sa mga barkong sangkot sa paihi, isang paraan para sa pagpupuslit ng langis kung saan inililipat ang langis mula sa malaking barko patungo sa mas maliit na bangka para maiwasan ang pagbabayad ng buwis.