-- Advertisements --

CEBU CITY- Nailigtas ang walong pasahero at dalawang crew ng isang lumubog na motorbanca sa karagatan ng Olango Island sa lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu.

Kinilala ang mga pasahero na sina Prege Dano, 28, Lolito Abadajos, 32, Adora Dano, 30, Celda Fernandez, 50, Glaiza Aying, 30, Tessie Acoril, 54, Vanjessa Dano, 29, at Lirma Cañete, 26.

Inihayag ni Lt. Junior Grade Michael Encina, ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard-Central Visayas, na agad na nailigtas ang mga nasabing pasahero matapos na may umaaligid na mga coast guard sa area.

Ayon sa tagapagsalita na walang clearance mula sa kanilang opisina ang nasabing bangka at basta na lang diumano itong bumyahe.

Dagdag pa ni Encina na hindi umano rehistrado ang nasabing motorbanca dahil wala rin naman itong pangalan at sinasabing nirentahan lang ito ng mga nabanggit na pasahero upang makatawid mula sa isla patungong lungsod.

Siniguro nito na isasailalim sa imbestigasyon ang nangyaring insidente.

Nabatid na nagpalabas na rin ng gale warning ang Pagasa sa buong Central Visayas at hindi pinapayagan ng coast guard na lumayag ang mga sasakyang pandagat na may 250 gross tonnage pababa.

Muling pinaalalahanan ni Lt. Junior Grade Encina ang lahat ng mga pasahero at mga boat operators na huwag ng piliting lumayag kung masama na ang panahon lalong lalo na kung may ipinalabas ng gale warning, para na rin sa kaligtasan ng lahat.