ILOILO CITY – Patuloy pa na pinaghahanap ang isang babae na na-missing matapos tumaob ang sinasakyang motorbanca sa Barangay Tinigban, Carles, Iloilo.
Ang biktima ay si Cecille Fuentes, 35, residente ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Jerry Bionat, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi nitong apat ang sakay sa vessel ngunit naka-ligtas ang tatlo pang kasamahan ni Fuentes.
Base naman sa report ng Carles Municipal Police Station, pauwi na ang mga biktima matapos bumenta ng mga produkto sa barge, ngunit dahil sa malalaking alon sa Northern Iloilo, tumaob ang motorbanca.
Nangunguna ngayon sa search and rescue operations ang Philippine Coast Guard Bancal Substation – Carles.
Sa Iloilo City naman, dahil sa malakas na bugso ng hangin mula kaninang umaga, nawasak ang portion ng isang bahay sa Barangay North San Jose, Molo matapos natumba ang katabi nitong balete tree at ang malaking pader.
Maswerteng nakaligtas ang mag-ama sa loob ng bahay ngunit nagkaroon ng minor injuries ang apat na taong gulang na batang babae.