-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang motorcycle driver sa mismong araw ng kanyang kaarawan matapos maipit at pumailalim sa 10 wheeler Isuzu truck sa Barangay 2, San Roque sa bayan ng Paoay dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Police Captain Sygman Benigno, ang Chief of Police ng nasabing bayan, nakilala ang biktima na residente ng Barangay Oaig-Upay-Abulao sa bayan ng Paoay habang nakilala naman ang driver ng 10 wheeler truck na may kargang 16 a tonelada na palay na taga probinsya ng Ilocos Sur.

Ayon sa kanilang isinagawang imbestigasyon, habang binabagtas ang 10 wheeler truck patungong timog at dito biglang bumangga ang nakamotorsiklo na papuntang hilagang direksyon.

Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, aniya naipit at pumailalim sa kanan na bumper sa 10 wheeler truck ang nakamotorsiklo na nagresulta ng malalang sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Paliwag niya na agad na naitakbo sa pinakamalapit na ospital ang biktima ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas ito.

Kaugnay nito, ipinaalam pa ni Police Captain Benigno na itinuturing na accident prone area ang lugar na kung saan nangyari ang insidente.

Dagdag pa nito na posible na lasing ang biktima pero hinihintay pa nila ang resulta mismo ng liquor test nito.

Samantala, pabor ang pamilya ng biktima na makipag-areglo kung sasagutin ng driver ng truck ang lahat ng kanilang mga gastusin sa pagpapalibing ng kanilang kaanak.

Sa ngayon, nanatili sa kulungan ang driver ng truck na inaasahang masasampahan ito ng kaso na reckless imprudence resulting to homicide dahil sa malagim na pangyayari.