Arestado ng Pasig City Police ang isa sa dalawang motorcycle riders na nakipagbarilan sa mga pulis matapos masita sa checkpoint.
Kinilala ni Pasig City chief of police Col. Roman Arugay ang arestadong suspek na si Jayson Trinidad, 42, residente ng No.74 Catalino St, Brgy Pinagbuhatan, Pasig City.
Habang ang kasama ni Trinidad na nakatakas ay kinilalang si Alex Almojuela, 37, at residente ng Purok Yakal St. Bernardo St. Brgy Pinagbuhatan, Pasig City.
Batay sa ulat ng Pasig sub-station 6, nasita ang dalawang riding in tandem na suspek na sakay ng itim na yamaha N-Max motorcycle na walang plaka sa checkpoint kaninang 1:40 ng madaling araw sa San Agustin St. panulukan ng E. Santos St. Brgy. Palatiw, Pasig City.
Nang lapitan ng mga pulis, biglang nanutok ng baril ang backrider na suspek na si Trinidad kay P/Cpl Joselito Saygo na maagap namang nakabunot din ng baril at pinaputukan sa paa si Trinidad.
Ang driver ng motor na si Almojuela ay nakatakas naman matapos paputukan si P/SSgt Bruzo na tinamaan sa kanyang body vest.
Gumanti ng putok ang pulis at posibleng tinamaan ang suspek dahil sa bakas ng dugo sa pinangyarihan ng insidente.
Ang arestadong suspek at mga narekober na ebidensya ay dinala sa istasyon para iproseso.