-- Advertisements --

LA UNION – Patay ang isang motorcycle rider matapos masipa ng baka, tumilapon, bumangga at pumailalim sa isang trailer truck.

Nangyari ang aksidente sa kahabaan ng national highway sa Barangay Baccuit Sur, Bauang, La Union bandang alas 4:40 ng hapon nitong Linggo.

Nakilala ang biktima na nagmaneho ng motorsiklo na si Christopher Calica, 51, residente ng Barangay Natividad, Naguilian, La Union.

Ayon sa report, ang motorsiklo na nasa outer lane at trailer truck na nasa inner lane ay kapwa binabagtas ang kalsada patungong timog na direksiyon.

Dalawang lalaki naman ang humihila sa baka at naglalakad sa outer lane sa kaparehong direksiyon.

Nang makalapit si Calica sa dalawang lalaki sa outerlane, biglang lumundag ang baka at nasipa ang motorsiklo ng biktima.

Tumilapon si Calica, bumangga at pumailalim sa trailer truck na nasa inner lane.

Nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang biktima at dinala sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) dito sa siyudad ng San Fernando para sa kaukulang gamutan.

Ngunit habang ginagamot sa nasabing ospital, nakaramdam umano ang biktima ng hirap sa paghinga hanggang sa tuluyan nang binawian ng buhay.

Samantala, sinabi ni Pol. Cpl. Rey Ofiaza ng Bauang Police Station, may pananagutan pa rin ang may-ari ng baka habang ang truck driver na nakilalang si Marvin Cadaoas, 32-anyos, ng Barangay Raniag, Ramon, Isabela ay kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide.