-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patay ang isang driver ng motorsiklo habang sugatan ang lima pang indibidwal matapos araruhin ng isang ten-wheeler truck ang 15 mga sasakyan sa bahagi ng Bokawkan Road, Baguio City kagabi.

Nakilala ang motorcycle rider na si Jeffrey Bulan Manao, 38, minero, residente ng Upper Pinget, Baguio City at ito ang pang-walong sasakyan na naararo.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nawalan ng preno ang ten-wheeler truck kaya nabunggo nito ang mga nakaparada na sasakyan sa nasabing kalsada.

Naglalaman ng 14 tonelada ng fertilizers ang nasabing truck na galing ng Parañaque City, patungo ng La Trinidad, Benguet at minamaneho ni Aldrin Prieto, 29, kasama ang dalawang pahinante nito kung saan lahat sila ay taga-General Trias, Cavite.

Ayon naman sa testigong si James De Vera, isang gasoline boy, bigla na lamang bumilis ang takbo ng truck na pababa sa Bokawkan Road kung saan tumalon palabas nito ang driver.

Naitala ang minor to heavy damages sa 15 na mga sasakyan kung saan nagkalat sa kalsada ang mga nasirang parte ng mga ito kasama ang produkto ng truck at nasira rin ang isang poste ng kuryente at gate at canopy ng isang bahay.

Nagresulta ang insidente ng masikip na daloy ng trapiko, pagkamatay ni Lee at pagka-ospital ng limang iba pa.

Sa ngayon ay nakalabas na ang apat na mga nasugatan at nananatili lamang sa pagamutan ang isang senior citizen.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring insidente kung saan nasa kustodiya na ng mga pulis ang driver at dalawang pahinante nito.

Mahaharap ang driver ng truck ng patong-patong na kaso ng homicide, reckless imprudence, damage to properties at physical injuries.