Masayang ibinalita ni George Royeca, Chief Transport Advocate ng motorcycle taxi service na Angkas, na magiging libre sa publiko ang disenyo para sa naimbento nilang motorcycle shield.
Ito ay bilang tulong na rin umano ng kumpaniya sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya habang pinapairal pa rin ang health protocols sa bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Royeca, katuwang ang mga safety experts mula sa ibang bansa ay mabusisi nilang pinag-aralan kung paano magiging epektibo at ligtas ang naturang protective shield.
Bukod daw kasi sa pag-iwas na mas lalong kumalat ang deadly virus ay kanila ring inisip kung paano ito hindi magiging sagabal sa operasyon ng motorsiklo. Makakaiwas din ito sa karagdagang injury kung sakali man na maaksidente ang ridet at pasahero nito.
Ang motorcycle shield ay base sa iba’t ibang prototypes na kinonsulta sa mga eksperto. Kahapon ay kinumpirma ng Angkas sa kanilang official Facebook account na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang kanilang disenyo.
Gawa ito sa hard-plastic na nilagyan ng flaps sa magkabilang-gilid upang maging maayos ang daloy ng hangin sa protective shield.
Sinabi pa ni Royeca na hindi nila ibebenta ang kanilang design bagkus ay gagawin nitong libre ang design specifications para sa sinomang gustong gumawa ng kanilang motorcycle shields.
Umaasa naman din ito na makakasanayan ng mga riders ang ganitong uri ng shield na nakakabit sa kanilang likod lalo na sa oras na tuluyan nang tanggalin ang mga quarantine measures sa iba’t ibang parte ng bansa.
“We are 100 percent in agreement with the government na kailangan ay dahan-dahan ang pagbukas natin. Easing in measures is the only way to go to make sure that our economy is preserved but also the public health sectors are also maintaine,” wika ni Royeca.
Dagdag pa nito, simula pa lamang daw ng lockdown ay nag-iisip na sila ng paraan kung paano makakatulong sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19.
“Maganda na marami tayong options., iba-iba para sa iba’t iba ring kagamitan. Hindi ito “one size fits all” so different provinces, different areas, different people, and different motorcycles. So maganda po yung ginagawa ng IATF dahil nagbibigay sila ng iba’t ibang alternatibo para magamit ng maraming tao,” ani Royeca.
Nanawagan din si Royeca na palaging mag-ingat ang mga riders kahit may motorcycle shields. Hindi aniya ito isang agimat na magsisilbing taga-pagligtas sa aksidente subalit isa lamang itong shield.