Hinimok ngayon ng isang grupo ng motorcycle taxi riders na Motorcycle Taxi Community Philippines (MTCP) ang Senado na bilisan ang pagpasa sa batas na magreregulate sa sektor ng motorcycle ride-hailing sa bansa.
Ayon kay MTCP chairman Romeo Maglunsod, kailangan itong bigyan ng prayoridad ng Senado partikular na ni Senate Committee on Public Services Chair Senator Raffy Tulfo.
Umabot na rin aniya sa limang taon ang pilot program ng motorcycle taxis sa bansa bilang isang public transportation kaya kailangan na magkaroon na ito ng isang batas na magreregulate sa mga ito.
Naniniwala ang grupo na sapat na ang limang taon para simulan na ng Kongreso ang pagbuo ng batas para sa mga motorcycle ride-hailing sector.
Batay sa datos, mula 2019 o ang pagsisimula ng pilot program, aabot na sa 45,000 riders ng mga Motorcycle Taxi ang nag ooperate sa buong Metro Manila.
Layon ng programang ito na matukoy ang viability at safety ng motorcycle taxis bilang isang public transportation.