Huhulihin na ang mga motorcycle taxi sa susunod na linggo, na patuloy na babyahe sa kabila ng pagpaso na ng pilot run.
Sa pagharap sa Senado ni retired Maj. Gen. Antonio Gardiola, pinuno ng technical working group ng Department of Transportation (DOTR), inamin nitong napakaraming isyu na hindi mahanapan ng solusyon, lalo na ang legalidad ng pamamasada ng mga motorsiklo kaya nagdesisyon silang ipatigil na lamang ito.
Dahil dito, ituturing nang iligal ang pagsasakay ng Angkas, Joy Ride at iba pa simula sa huling linggo ng Enero.
Sinabon naman ni Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe si Gardiola dahil sa biglaang desisyon na pagpapatigil ng pag-aaral sa motorcycle taxis.
Sinabi ni Poe na tila ayaw gawin ng LTFRB ang kanilang trabaho dahil sa pagkansela sa pag-aaral sa legalidad ng mga motorsiklong namamasada.
Iginiit ng senador na hindi sila makakagawa ng batas kung walang sapat na pag-aaral ng gobyerno.
Nababahala si Poe na mas lalong magiging iligal at mapanganib ang motorcycle taxi kung hindi ito mare-regulate ng gobyerno dahil ito ang kabuhayan ng mga rider at altenatibong sasakyan sa nararanasang matinding trapiko at kakulangan ng transportasyon sa mga pangunahing lugar sa bansa.