-- Advertisements --
poe

Pinag-aaralan ngayon ng Senate Committee on Public Services ang pagsasalegal ng motorcycle taxis at courier services matapos ang 4-year pilot study nito.

Ayon kay Senator Grace Poe, ang tumatayo bilang chairperson ng komite, na ang motorcycles for hire ay isang viable source ng income para sa mga motorcycle riders subalit kailangan na magkaroon ng safety standard para ito ay maging ganap na mobility alternative.

Ang mga serbisyo gaya ng Angkas ang unang pinayagang mag-operate noong Mayo ng taong 2019 sa ilalim ng 6 month program upang makita kung ligtas nga ba para sa mga mananakay ang naturang serbisyo.

Pinalawig pa ang programa ng ilang beses sa loob ng apat na taon bagamat nananatiling nakabinbin ang panukalang batas para gawin itong legal na sa bansa.

Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, inirekomenda ng Inter-Agency Technical Working Group on Motorcycle Taxis na ligtas bilang mode of transportation ang mga motorcycle taxis.

Bunsod na rin ng tumataas na demand mula sa mga pasahero ng motorcycle taxi, tinitignan na rin ng komite ang posibilidad ng pagtaas ng bilang ng mamamasadang riders.

Sa isinagawang pilot study, aabot sa 45,000 riders ang nabigyan ng provisional authority para mag-operate ng motorcycle taxis.

Ayon pa kay Sen. Poe, dapat na maging prayoridad ang kaligtasan ng mga pasahero at mga rider sakaling maisabatas na ang motorcycle for hire.

Dapat din aniya na magkaroon ng Comprehensive insurance coverage na ibibigay sa mga pasahero at riders sakaling magkaroon ng road accidents.