KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang monitoring ng OCD 12 sa buong rehiyon ng Socksargen dahil sa walang humpay na buhos ng ulan kung saan may isang motorista na ang naitalang patay, habang higit 20 pamilya naman ang inilikas.
Ito ang kinumpirma ni Ms. Jorie Mae Balmediano, information Officer ng Office of the Civil Defense Region 12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, ang mga bayan ng Magpet, Kabacan at Kidapawan City ang apektado kung saan nagdeklara din ng suspension of classes ang mga ito.
Sa bayan ng Magpet, narekober ang bangkay ng isang motorista matapos inanod ng tubig-baha sa overflow bridge sa Riverside sa Barangay Poblacion.
Natagpuan ng mga rescuer ang bangkay ng isang lalaki na kalaunan ay nakilalang si Bienvinido Tiu, 40 taong gulang na residente ng nabanggit na lugar.
Inanod umano ng tubig baha ang biktima habang minamaneho ang motorsiklo nito at sinubukang tumawid sa rumaragasang tubig sa pag-aakalang mababaw lamang ang baha ngunit hindi nakayanan hanggang sa tinangay ito.
Samantala, may mga pamilyang inilikas naman sa isinagawang rescue operation ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa mga Barangay ng Aringay, Plang Village sa Poblacion at Sitio Punol, Brgy. Kayaga na inilipat sa Aringay Covered Court.
Nasa higit 10 pamilya naman ang inilikas sa Plang Village, habang may mga ni-rescue din sa Sitio Punol, Kayaga. Napag-alaman na umabot sa red alert level ang tubig dala na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan mula sa hilagang parte ng Lalawigan at sumabay na umapaw ang dam sa Bukidnon.
Sa ngayon, inaayos na ng bawat LGU ang lahat ng pamilya na apektado at ipinasiguro na bibigyan ng agarang tulong.