CENTRAL MINDANAO – Isang motorized bangka ang tumaob sa Yllana bay sa lalawigan ng Maguindanao dakong alas-6:30 nitong gabi ng Biyernes.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na nanggaling ng Bongo Island sa Parang, Maguindanao ang motorized bangka matapos dumalo ang pitong sakay nito sa isang kasalan.
Pagdating ng pumpboat sa laot ay hinampas ito ng malakas na alon at saka tumaob.
Bago lumubog ang bangka ay nakatawag pa sila sa PCG sa Polloc Port at mabilis itong nagresponde.
Nailigtas ang pitong pasahero ng pumpboat na todo pasasalamat naman sa mga tauhan ng PCG.
Magkatuwang ang BRP Cape Engaño (MRRV-4411), PCG Sub-Station Polloc, at LGU ng Barangay Polloc sa inilunsad na rescue operation.
Panawagan ng PCG sa mga maliliit na bangka na mag-ingat sa paglalayag lalo na kung may sama ng panahon.