-- Advertisements --

Umabot sa mahigit 23,000 na motorsiklo ang na-impound ng Land Transportation Office o LTO noong taong 2023. Ito ay tumaas ng 47% kumpara sa datos noong 2022.

May tinataya namang 529,000 ang nasita at hinuli ng LTO sa nakaraang taon dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko. Batay sa datos ng ahensya, ang karaniwang dahilan ng pagkakahuli sa mga motorista ay dahil sa paglabag sa Clean Air Act o Republic Act 8749, Seatbelt Law Act o RA 8750 at overloading.

Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, pinaigting nila ang presensya ng mga traffic enforcer sa daan para umano mas maging disiplinado ang mga motorista. Ito aniya ay magtutulak sa mga driver na sundin ang batas-trapiko dahil kaakibat nito ang kaligtasan ng mga tao sa daan. Kaya naman prayoridad umano ng ahensya ang pagbili ng mas maraming motor vehicles na gagamitin ng mga traffic enforcer para mas lumawak pa ang kanilang pagsisilbi. 

Pinayuhan naman ni Mendoza ang mga motorista na sundin nito ang mga batas-trapiko lalo na’t mahigpit nilang pinapatupad ang No Registration, No Travel Policy. 

Ito ay upang masigurado ng ahensya ang pagpapa-rehistro ng mahigit 24 million na sasakyang may expired registration sa bansa. Importante aniya itong mapa-rehistro upang malaman kung pupwede pa bang ibyahe ang sasakyan. 

Dagdag pa ni Mendoza, hindi naman daw gusto ng ahensya na manghuli ng mga motorista at multahan sila subalit kailangan aniyang paigtingin ang kampanya para sa disiplina sa daan dahil ang nakasalalay dito ay ang kaligtasan ng lahat.