-- Advertisements --

Isinusulong ng isang House leader ang motu proprio congressional investigation sa mga kasong administratibo at kriminal na isinampa laban sa mga pulis na sangkot sa anti drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na hangad na matugunan ang epekto nito sa mga opisyal, partikular na sa mga mas mababang ranggo.

Ayon kay Sta. Rosa City, Laguna Rep. Dan Fernandez, co chairman ng Quad Committee, ang mga low ranking police officers ay nahaharap ngayon sa legal consequences dahil sa kanilang mga aksyon na ayon sa kanila ay utos ng kanilang mga superior noong kasagsagan ng drug war.

Ipinahayag ni Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, ang kagyat na pagsasagawa ng imbestigasyon at sinabing kailangang suportahan ang mga opisyal na naapektuhan.

“I mean iyung mga kapulisan under my committee, actually tinitingnan ko po na bigyan ng isang motu propio investigation on this matter, kasi nga ang policy po ng former government ay iyun pong talagang negation, neutralization,” pahayag ng mambabatas.

Sa huling pagdinig ng Quad Comm nuong Miyerkules, inamin ni Duterte na hindi niya alam ang bilang ng mga pulis na na dismiss o nakasuhan habang ipinatutupad ang kanyang marahas na war on drugs na ikinamatay ng libu libong Pilipino.

Itinampok ni Fernandez na hindi alam ng ilang opisyal na ang mga utos na kanilang sinusunod ay maaaring humantong sa mga kahihinatnan ng batas, lalo pang napansin ang ilan sa kanila ay naniniwala na sumusunod sila sa mga kautusan ng batas mula kay Pangulong Duterte at dating hepe ng pulisya at ngayon ay Sen. Bato dela Rosa.

Tinukoy ni Fernandez na marami sa mga opisyal na ito ang nahaharap ngayon sa malubhang repercussions, kabilang ang mga dismissal at criminal charges.

“Sabi nga ni Chief PNP maraming mga pulis ang mga na-dismiss, 195 yung mga na-dismiss tapos 398 facing dismissal. So papaano iyung pamilya nila? Nawalan sila ng jobs, nawala iyung kanilang life, iyung kanilang dignity as well in following those orders,” dagdag pa ni Fernandez.

Ipinunto ni Fernandez na nuon ay hayagang sinasabi ni Duterte na siya ang mananagot sa ginawa ng mga pulis sa kampanya laban sa iligal na droga.

Sumang-ayon din si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa pahayag ni Fernandez.

“Base po sa datos na binigay ni Chief PNP Marbil ay marami pong miyembro ng PNP ay nahaharap sa mga kasong administratibo at kasong kriminal and nangangailangan po sila ng abogado,” pahayag ni Barbers.

Ayon kay Barbers karamihan sa mga pulis ay nakaramdam ng hinanakit dahil hindi sila tinulungan ng administrasyong Duterte.

“Isa lang ho ang kanilang sinasabi na nasaan daw iyung pangako sa kanila na tutulungan sila sa mga kaso,” pahayag ni Barbers.