CAUAYAN CITY – Umaasa ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na mapapabilis na ang imbestigasyon at paglutas sa kaso ng pagpatay sa mga miyembro ng hudikatura.
Ito ay matapos na lagdaan nitong Lunes ng umaga sa Kampo Krame ang Memorandum of Understanding (MOU) on Lawyer Security sa pagitan ng IBP at Philippine National Police sa pangunguna ni PGen. Archie Gamboa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni IBP president Atty. Domingo Cayosa, inaasahang sa pamamagitan ng MOU ay mapapabilis na ang paglutas ng mga kaso ng pagpatay sa mga abogado, hukom, at prosecutor.
Ang pinakahuli ay ang pagpatay kay Atty. Bayani Dalangin, 73-anyos, retired PAO lawyer at professor ng Arellano University.
Ayon kay Atty. Cayosa, kinikilala ng IBP ang mga abogado at pulis bilang “comrades in law”.
Kailangan aniyang magtulungan PNP at IBP upang malutas ang mga dumaraming kaso ng pagpatay sa mga abogado sa bansa.
Sa ilalim naman ng MOU ay bibigyan ng IBP Legal Aid Committee ng libreng legal service ang mga pulis na nahaharap sa harassment cases sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Susunod na isusulong ng IBP ang MOU sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) para sa mabilis na pagresolba sa kaso ng pagpatay sa mga abogado.
Sinabi pa ni Atty. Cayosa na bahagi rin ng kanilang action ang pagtatag ng Lawyer Security and Justice Fund na P25-milyon.
Dito kukunin ang ang reward money para matukoy at madakip ang suspek sa pagpatay sa isang abogado at pagbibigay ng protection sa mga gustong tumestigo.