-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Bubuksan muli ang Mount Apo Trail sa lungsod ng Kidapawan sa buwan ng Oktubre.

Ito ay matapos na pansamantalang isinara sa publiko noong Mayo upang maiwasan ang sunog dahil sa epekto ng init ng panahon o El Nino.

Sinabi ni Kidapawan City Tourism Officer Joey Recimilla, na inaprubahan sa pamamagitan ng isang resolusyon para muling buksan sa publiko ang Mount Apo Trail.

Una nang nagbukas ang trail ng Mount Apo sa Davao City noong buwan ng Setyembre.

Tinapos muna ang rehabilitasyon sa dadaanan ng mga climbers at trekkers sa bahagi ng Mount Apo Trail sa Kidapawan City bago ito buksan.

Nilinaw ni Recimilla na limitado muna sa 50 ka tao ang aakyat sa Mount Apo bawat araw.

Pag-uusapan pa rin ng City Tourism Council at ng Protected Areas Management Board (PAMB) ng DENR kung maaring makadaan sa Kidapawan City ang mga climbers na sa ibang trail dumaan dahil sila anya ang karamihan sa mga nag-iiwan ng basura.

Hiling ni Recimilla sa mga may planong umakyat sa bundok na maging responsable sa kani-kanilang mga basura at sundin ang mga dapat at hindi dapat gawin para mapangalagaan ang kalikasan.