BAGUIO CITY – Muling binuksan sa mga turista ang sikat na Mount Pulag at iba pang tourism sites at tourism activities sa Kabayan sa lalawigan ng Benguet.
Kasunod ito ng pagsasara ng mga nasabing tourist sites sa bayan bilang precautionary measure sa banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Inilabas ni Kabayan Mayor Faustino Aquisan ang Executive Order 23-2020 na nagpawalang bisa sa temporary suspension ng mga tourism activities at iba pang kaparehong aktibidad sa nasasakupan ng Kabayan.
Ipinaliwanag niya na ang nasabing desisyon ay batay na rin sa advisory ng Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government at Department of Tourism na nagsasabing ligtas na mag-organisa at dumalo sa mga public gatherings, meetings at festivals basta masunod ang lahat ng mga precautionary measures na inilabas ng DOH.
Sinabi ng alkalde na may mga protocols silang inilatag para masiguro ang kaligtasan ng mga turista at mga residente doon para maiwasan ang posibleng kaso ng COVID-19.
Kinakailangan aniyang ideklara ng mga turista ang travel history ng mga ito bago sila mapayagang makapasok sa Kabayan.
Kailangan ding magsagawa ng general preventive measure laban sa banta ng COVID-19 ang lahat ng mga accommodation facilities doon gaya ng mga lodges, inns at homestays; cooperative; public and private offices; transport groups at business establishments.
Matatagpuan sa Kabayan ang Mount Pulag na tinatawag na “playground of the gods” ang mga century old mummies at iba pang natural resources gaya ng endemic cloud rat at mga dwarf bamboo.