KALIBO, Aklan—Kinondena ng Men Oppose to Violence Against Women Everywhere (MOVE) Aklan ang karumal-dumal na nangyari sa 13-anyos na dalagita na positibong ginahasa bago pinatay sa Barangay Unidos, Nabas sa lalawigan ng Aklan.
Kaugnay nito, inihayag ni Move Aklan president Aren Rubin ang saloobin ng kanilang organisasyon at pinukaw ang atensyon ng mga law enforcement agencies na mahigpit na ipatupad ang mga batas laban sa nasabing krimen na nalalagay sa kapahamakan ang mga kabataan.
Binigyang diin ni Rubin na ang mga kalalakihan ang dapat nagpoprotekta sa mga kababaihan at hindi dapat sila ang nagiging dahilan ng mga gaya nitong krimen.
Umaasa ang kanilang organisasyon na makatulong ang ipinalabas nilang kalatas upang mapalabas ang may sala para mapanagot ito at mabigyan ng hustisya ang maagang pagkamatay ng dalagita.
Sa kasalukuyan ay nasa P40,000 pesos na ang inalok na reward sa makapagtuturo sa salarin kung saan sa nasabing bilang, P20,000 pesos ang mula sa kaanak at ang natirang P20,000 pesos ay ambagan ng mga kapitbahay ng biktima.
Matatandaan na nakita na lamang na nakadapa, wala nang buhay at walang saplot pang ibaba ang dalagita sa gilid ng sapa.
Sa resulta ng autopsy examination, positibong hinalay ang biktima dahil sa nakitang laceration sa ari bago hinampas ng matigas na bagay sa kaniyang ulo na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Nabas Municipal Police Station upang makilala at maaresto ang salarin sa likod ng krimen.