-- Advertisements --

ROXAS CITY – Pinalawig ang movement control order (MCO) sa Malaysia hanggang sa Mayo 18, 2020 para mabigyan daan ang pagsugpo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nasabing bansa.

JEOBERT EDEM
Bombo International Correspondent Jeobert Edem

Sa report ni Bombo international correspondent Jeobert Edem ng Sitio Sta. Ana, Barangay Binuntucan, Pontevedra, Capiz, nagtatrabaho bilang casino dealer sa Resorts World Genting, Malaysia, sinabi nito na mahigpit na ipinatutupad ng Malaysian government ang preventive measures ng sa gayon ay hindi na tumaas pa ang bilang ng mga namatay sa nasabing virus.

Kabilang sa mahigpit na ipinatutupad sa bansa ang stay-at-home policy, paggamit ng face mask kapag lumabas ng bahay at social distancing.

Marami ang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown sa Malaysia ngunit may ibang kumpaniya na patuloy na sinuwelduhan ang kanilang mga empleyado kahit pansamantalang itinigil ang kanilang operasyon

Suspendido rin ngayon ang lahat ng public transport sa Malaysia.

Ngunit ayon kay Edem na walang curfew sa bansa dahil sumusunod ang mga tao sa gobyerno at takot rin silang mahawaan ng COVID-19.

Ipinag-utos ng management ng pinagtatrabahuan ni Edem sa kanilang mga empleyado na manatili lamang sa loob at iwasang lumabas para hindi mahawa.

Posible rin na muling ma-extend ang lockdown sa bansa kung hindi maabot ang zero case sa Malaysia.

Samantala nakikipag-ugnayan ang Ministry of Health ng Malaysia sa ibang bansa para sa mga testing kits na ginagamit sa massive testing para malaman kung infected ng coronavirus disease 2019 ang isang tao.