Inilinya agad ng promotional firm ni Sen. Manny Pacquiao na MP Promotions ang bago nilang recruit na si Eumir Marcial sa tatlong laban bago ang nakatakda nitong pagsabak sa Tokyo Olympics.
Sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum webcast, sinabi ni MP Promotions President Sean Gibbons, posibleng ganapin na sa Oktubre ang inaabangan nitong professional debut.
Ayon kay Gibbons, sa Los Angeles magsasanay si Marcial para sa kanyang unang pro fight at posibleng gawin ito sa sikat na Wild Card gym na pag-aari ni Hall of Fame trainer Freddie Roach.
Sa middleweight o sa 160-pound division din aniya lalaban si Marcial sa kanyang pro career.
“Hopefully we’ll do something in October and then we’ll work from there, hopefully about three fights before he stops and fully concentrate on the Olympics,” wika ni Gibbons.
“At the most, he’ll probably do three fights before he gets ready for the Olympics.”
Sa panig naman ni Marcial, bagama’t napakalaki ng inaasahan sa kanya, hindi raw nito hahayaang maging hadlang ang pressure sa pagkamit sa kanyang pangarap.
Wala rin daw itong problema sa weight difference kahit na lumaban ito sa 165-pounds noong ito pa ay amateur.
“Yung middleweight fit sa akin yun. Diyan yung kundisyon talaga ang katawan ko,” giit ni Marcial.
Ang Zamboanga City-boxer ay sasabak sa four o six-round match, at sa ngayon ay tutukuyin pa lamang kung sino ang kanyang makakasagupa sa ibabaw ng ring.
“Just four or six rounders (because) we’re just trying to keep it in line with what he’s going to do in Tokyo. Everything is geared towards the preparation for that,” ani Gibbons.