Hinangaan ng ilang observers ang MP Promotions ni Senator Manny Pacquiao na kaya ring magtayo ng malaking international boxing event sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo tinawag ng beteranong sports analyst na si Quinito Henson na world class ang promosyon ng “Fight of Champions” kung saan nakipag-tandem ang kompaniya ni Pacquiao sa big time Golden Boy Promotions ng boxing legend at CEO Oscar dela Hoya.
Ayon kay Henson ang presensiya umano ni Dela Hoya, ring announcer at icon na si Michael Buffer at iba pang VIPs ay lalong nagpatibay sa “high quality event.”
Kaya naman mistula raw dinala umano ng promotional company ni Pacman at Dela Hoya ang “Las Vegas” sa Kuala Lumpur.
“The Filipino can do something that we thought could never be done before. Parang dinala natin ang Last Vegas dito sa Kuala Lumpur,” ani Henson.
Umaabot sa pitong Pinoy boxers ang napasama sa line up sa boxing card ngayong araw kasama na si Pacman.
Kung saan apat na world title fights ang inilinya sa 11 mga blockbuster cards.
Sinasabing nasa $30 million ang budget sa naturang event kasama na ang premyo ng 22 mga boksingero.
Si Pacman ay tinatayang nasa $10 million ang purse habang nasa $2 million naman ang para sa WBA (Regular) welterweight champion na si Lucas Matthysse.