-- Advertisements --

Dumalo ang humigit kumulang nasa 5,000 mga deboto sa Tondo, Lungsod ng Maynila para sa Pista ng Sto. Niño de Tondo ayon sa naging datos na nakalap ng Manila Police District (MPD).

Ayon kay MPD director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay, wala namang naitalang kahit anong untoward incidents sa naging pagdiriwang ng pista sa Tondo maging sa Pandacan Maynila na siya ring nagdaraos ng Pista ng Sto. Niño de Pandacan.

Ito ay base sa kanilang naging monitoring simula Sabado kung saan nagsimula ang ilang mga aktibidad para sa naturang selebrasyon.

Pasado 4:00 am naman ng umaga kanina nagsimula ang prusisyon at natapos ng 6:50 am ng umaga kung saan nakabalik na ang imahe ng Sto. Niño de Tondo sa Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño.

Samantala, nagpaalala din ang MPD sa publiko at sa mga makikipiyesta sa lugar na huwag masyado mag-inom at siguraduhing makakauwi pa ang mga ito.

Gayundin ang kaniyang paalala sa mga residente na hinay-hinay lamang sa paginom ng alak at siguraduhin na ito ay ilalagay sa tiyan.