CEBU CITY – Nilinaw ng ina nang pinatay na Chiong sisters na “idol” pa rin niya si Pangulong Rodrigo Duterte mula pa noon sabay nang pag-amin na ito ay kahit hindi umano niya ito maintindihan sa mga pahayag at paninindigan.
Ginawa ni Mrs. Thelma Chiong ang pahayag makaraang tinanggal ng Pangulo si Nicanor Faeldon bilang director general ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa isyu ng pagpapalaya sa halos 2,000 convicted criminals, kasama ang apat na suspek sa pagpatay kina Mary Joy at Jacqueline Chiong.
Ngunit sa nakaraang speech ni Duterte sa Cebu, sinabi ito na malaki pa rin ang kanyang tiwala kay Faeldon dahil sa mga magagandang nagawa nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mrs. Chiong, sinabi nito na tila naging atras-abante ang mga pahayag ng Pangulo gaya sa umano’y pag-offer ng bagong posisyon kay Faeldon.
Dagdag pa ni Mrs. Chiong, ang importante ay inaako ni Duterte ang responsibilidad alinsunod sa naturang isyu.
Kung maalala ay nag-walk out ang ina ng Chiong sisters sa kalagitnaan ng speech ni Duterte dahil hindi nito nagustuhan ang mga pahayag tungkol kay Faeldon.
Samantala inaabangan pa ng Department of Justice (DOJ) na sumuko ang pang-apat na suspect sa Chiong rape-slay case na si James Anthony Uy kung saan sasama umano ito sa isa pang convict na si Josman Aznar.