Libo-libong mga pasahero ng Metro Rail Transit line 3 ang patuloy na mabebenipisyuhan sa libreng sakay na ipinatupad ngayong araw ng naturang kumpanya.
Ito ay bilang bahagi ng maagang pamasko ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga tumatangkilik ng naturang uri ng transportasyon.
Kaninang alas 4:30 a.m. nagsimula ang libreng sakay at magtatapos hanggang alas 10:34 p.m. para sa North Ave station at 11:08 p.m. para sa Taft Ave station.
Makikita kaagad sa bungad ng terminal ng MRT-3 ang signage na may nakasulat na libre ang lahat ng sasakay ngayong araw.
Nagpapatupad naman ng mahigpit na seguridad ang mga security personnel ng MRT-3 kabilang na ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga bag ng mga sasakay na pasahero.
Ang libreng sakay na ito ngayong araw ay ikinatuwa naman ng mga pasahero ng MRT3 habang ang ilan naman ay nagulat dahil ipapatupad ito ng buong araw.