Napagsilbihan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang halos 30,000 na mga mananakay sa unang linggo ng paglulunsad ng extended operating hours nito.
Batay sa mga naging datos ng Department of Transportation (DOTr), naging malaking benepisyo ang isang oras na extension ng mga operasyon ng tren sa line 3 at nakapagsakay ng 2.14 milyong mga pasahero simula Marso 24 hanggang 28.
Mula sa bilang na ito naitala na 29,350 na mga komyuters ang nadagdag na siyang sumasakay sa mga oras kung saan inextend ang mga operating hours ng mga estasyon.
Maliban sa rush hour ay nakikita ring dahilan kung bakit pumalo sa ganitong bilang ang mga pasahero sa ganitong mga oras ay dahil na rin sa ikinasang transport strike ng Manibela noong nakaraang Marso 24 hanggang 26.
Samantala, ang extended hours rin ay inaasahang malaking benepisyo para sa uumpisahang rehabilitasyon sa EDSA bunsod ng inaasahang matinding trapik sa daanang ito.
Nakatakda na ring magdagdag pa ng isang tren ang MRT-3 tuwing rush hours para sa mas mabilis at maginhawang biyahe ng mga pasahero.