-- Advertisements --

Nakapagtala ng mahigit 200,000 na mga pasahero ang naserbisyuhan ng Metro Rail Transit Line 3 simula noong Hunyo 2020.

Sa datos, ito na ang pinakamataas na bilang ng mga commuters na sumakay sa tren mula nang magbalik-operasyon ito matapos ang pansamantalang suspensyon dito dahil sa pagtama ng pandemya sa bansa.

Ito rin anila ang resulta ng isinagawang pagpapataas pa sa passenger capacity dito, mas mabilis na pagbiyahe ng mga tren, at pakakaroon ng mataas na bilang ng mga running at operational na train sets sa linya.

Sa ilalim kasi ng pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Metro Manila ay nadagdagan pa ng 70% ang kapasidad ng tren kung saan ay nakakapagsakay ito ng hanggang 827 na mga pasahero kada train set na binubuo naman ng tatlong train cars na may lulan na 276 na mga pasahero.

Sa kasalukuyan ay nasa 17 hanggang 21 naman ang bilang ng average train sets na napapatakbo ng MRT-3 sa main line.

Magugunita na sinimuylan namang patakbuhin sa bilis na 60kph ang mga tren ng MRT noong December 7, 2020 mula sa da dating 50kph.

Dahil dito ay nabawasan pa ang average headway o oras sa pagitan ng mga tren na ngayon ay umaabot na lamang sa 3.5 hanggang apat na minuto mula naman sa dating 8.5 hanggang 9 minuto sa 20 mga tren.

Mahigpit pa rin naman ang ipinatutupad na minimum public health and safety protocols sa buong linya, tulad na lamang ng pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap sa telepono, at pagsasalita sa loob ng mga tren.

Patuloy din ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask habang boluntaryo naman ang pagsusuot ng face shield.