Magkakaroon ng adjustment simula Hulyo 6 sa kanilang operasyon ang MRT-3 matapos na nagpositibo sa novel coronavirus ang nasa 92 na personnel nila.
Ayon sa Department of Transportation, agad na inilagay sa quarantine ang mga nagpositibong personnel.
Ang nasabing pagtaas ng bilang ng nagpositibo sa virus ay dahil sa isinagawang swab test sa mga personnel ng ahensiya.
Noong nakaraang linggo lamang ay mayroon ng 25 kaso at nitong linggo lamang ay panibagong 67 na kaso ang naitala.
Isinagawa ang mga serye ng test matapos na magpositibo ang ilang trabahador ng kanilang maintenance service providers noong Hunyo 11.
Nilinaw din ng MRT-3 management na walang mga direktang contact ang mga nagpositibong workers.
Mula ng magkaroon ng relaxed general community quarantine noong Hunyo ay mayroon ng 12 hanggang 15 na mga train sets ang nag-ooperate na.
Kapag magsimula ng magbawas aniya ng MRT-3 operations ay magsusuot ng full personal protective equipments ang mga mga on-duty station at depot personnel.
Isa ring paraan na naisip ng Department of Transportation para hindi magkaroon ng pagsiksikan ng mga tao sa MRT-3 ay mas papaigtingin na nila ang Bus Augmentation Program sa EDSA Busway service.