Pansamantala munang suspendido ang operasyon ng MRT-3 simula bukas, Martes, ika-7 ng Hulyo 2020.
Sa statement ng MRT-3 magtatagal ang tigil-operasyon hanggang Hulyo 11, 2020.
Ang desisyon na temporary shutdown ay bunsod nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kawani na nahawa sa COVID-19.
Una rito, umakyat na sa 186 ang mga nagpositibo sa COVID-19 mula sa mga tauhan ng Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) at service provider na Sumitomo.
Ayon kay DOTr Director for Communications Goddes Hope Libiran, 169 sa mga ito ay nakabasi sa depot, habang 17 naman ang nanggaling sa MRT stations.
“Ang temporary shutdown ay ipatutupad upang magbigay-daan sa RT-PCR (swab) testing ng lahat ng empleyado ng MRT-3, kasama na ang mga empleyado ng maintenance provider at subcontractors nito, upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, at mas mahalaga, upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga personnel at commuter,” bahagi ng statement ng MRT-3.
Inamin naman ng MRT-3 na ang shutdown ay posibleng tumagal pa o kaya naman mapaiksi depende sa resulta ng swab tests sa mga personahe.
Sinasabing sa mahigit 3,200 workforce ng MRT-3, kakailanganin ng hindi bababa sa 1,300 personnel upang magpatupad ng limitadong operasyon.
Sa kasalukuyan nasa 964 additional negative personnel ang kailangan upang makapagbalik-operasyon.
Habang may temporary shutdown, magsasagawa rin ng masusing disinfection sa lahat ng MRT-3 facilities kabilang na sa depot, mga stations at sa mga tren.
Tiniyak naman ng mga otoridad na habang suspindido ang operasyon ng MRT-3 magpapatuloy naman ang bus augmentation program kung saan nasa 90 mga bus ang maghahatid sa mga pasahero na may fixed dispatching interval na kada tatlong minuto.
Liban nito may 150 rin na bus ang ide-deploy para sa EDSA busway service na magsisilbi sa mga pasahero mula Monumento hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx).
Isang mini-loop naman ang magsisilbi sa mga pasahero mula Timog Avenue hanggang Ortigas kung saan pinayagan ang shuttle/mini bus service na mag-pickup at mag-drop off ng pasahero sa curbside.
Samantala, mas pinalawak pa ng MRT-3 ang contact tracing dahil sa natuklasang 11 ticket sellers ang kasama sa mga infected ng virus.
Maging ang isang nurse at dalawang control center personnel ay kasama rin sa mga dinapuan ng COVID-19.
Sa pagtaya ni Libiran, maaari pang magbago ang hawak nilang figure kapag natapos ang pagsusuri sa iba pang empleyado ng MRT-3.