Tiniyak ng DOTr na gumagawa na sila ng paraan upang maibalik ang operasyon ng MRT-3 matapos na pansamantalang isuspinde ang biyahe nito kaninang umaga.
Una rito, dakong alas-6:42 kaninang umaga nang ipatigil muna ang operasyon ng MRT-3 nang maputol ang tinatawag na overhead catenary system (OCS) sa Guadalupe Station, north bound.
Nagresulta ito ng kakulangan ng power supply mula sa Shaw Boulevard patungong Santolan station.
Nagdulot ng matinding abala sa libu-libong mga pasahero ang naturang pangyayari lalo na at nataon pa na maraming papasok na mga empleyado at mga estudyante.
Humihingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng MRT at DOTr sa aberyang nangyari kung saan sa pagtaya mahigit sa 7,000 mga pasahero ang napababa nang ipatigil ang biyahe ng mga tren.
Tiniyak na rin ng mga otoridad ang pagpapadala ng dagdag na mga biyahe ng bus at P2P upang maalalayan ang mga na-stranded na mga pasahero.
Tumutulong na rin daw sa pag-asiste ang MMDA, LTFRB, i-ACT at DOTr Railways sector.
Samantala, magsasagawa rin ng imbestigasyon ang DOTr kaugnay sa puno’t dulo ng pagkaputol ng kable.
Sa huling advisory ng DOTr pipilitin daw nilang maibalik ang operasyon bago mag-alas-5:00 mamayang hapon.
Habang dakong alas-9:45 ng umaga nang bumalik na ang partial operations ng MRT-3 pero ang biyahe ay hanggang Shaw Boulevard station lamang mula sa North Avenue station.
Naglabas din ng statement ang MMDA:
“The Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dispatched “Libreng Sakay” vehicles to help stranded commuters due to suspension of the operations of the Metro Rail Transit (MRT-3) this morning. Military trucks were deployed for the Guadalupe to Quezon Avenue northbound route and for the Quezon Avenue to Ayala southbound route.”