Naglabas na ng abiso ang pamunuan ng MRT-3 na tigil muna na ang kanilang operasyon simula ngayong araw, Marso 17.
Ito’y matapos isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa “Enhanced Community Quarantine” ang buong isla ng Luzon upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang coronavirus disease (COVID-2019).
Ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati, hindi muna tatakbo ang mga tren ng MRT-3 mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station at pabalik, hanggang sa tanggalin ang deklarasyon sa Abril 13.
Layon nito para protektahan ang mga mananakay laban sa nasabing sakit.
Inanunsiyo rin ni Capati na hindi na rin muna maitutuloy ang nakatakdang malawakang rehabilitasyon ng MRT-3 sa darating na Holy Week bilang parte ng gagawing pag-iingat ng ahensya.
Pinapayuhan ng pamahalaan ang publiko lalo na ang mga mananakay na manatili sa kani-kanilang bahay at iwasan ang paglabas sapagkat magiging mahigpit na ang seguridad sa iba’t ibang lugar.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na walang dapat ikatakot ang mga Pilipino dahil sa COVID-19 sapagkat ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito upang maging ligtas ang bawat isa.