-- Advertisements --

Muling iginiit ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na hindi magkakaroon ng pagtaas sa singil sa pamasahe sa tren ang naturang railway pagkatapos ng isang buwang pagpapatupad ng libreng sakay dito.

Ipinahayag ito ni MRT-3 acting general manager Michael Capati na kasabay ng pagsasabing mananatili sa P13 hanggang P28 ang presyo ng pamasahe sa MRT-3.

Magpapatuloy rin na entitled sa 20% discount ang mga kababayan nating senior citizen at persons with disability.

Paliwanag ni Capati, tutulungan ng pamalahaan ang MRT-3 upang mabawi ang isang buwang pagkawala ng kanilang kita dahil sa libreng sakay program mula sa P7-billion na pondong ipinagkaloob sa kanila ng Kongreso.

Magtatagal hanggang sa April 30 ang programang libreng sakay sa MRT-3 na nagdulot naman ng mahahabang pila ng mga pasahero dito dahilan kung bakit may ilang mga commuters ang pinili na lamang na sumakay sa EDSA Bus Carousel na inaasahan ding magpapatuloy sa pagbibigay ng libreng sakay na serbisyo sa susunod na linggo.