-- Advertisements --

Nagnegatibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang kawani ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na ang ina ay nagpositibo sa UK variant ng sakit.

Sa isang pahayag, sinabi ng MRT-3 na natapos na raw ng kanilang staff ang mandatory quarantine mula Enero 20 hanggang 30.

Gayunman, nang kumpirmahin ng health department kamakailan na nagpositibo sa UK variant ang ina nito, sumailalim sa re-swab ang MRT-3 employee at dalawang iba pang miyembro ng kanilang pamilya nitong Linggo.

Ibinahagi ng MRT-3 na negatibo ang kanilang resulta at fully recovered na ang kanilang ina makaraang makalabas sa quarantine facility noong nakalipas na linggo.

Noong Enero 15 nang kumpirmahin ng Department of Transportation (DOTr) ang unang kaso ng kasalukuyang cluster ng COVID-19 cases sa MRT-3 depot.

Kasunod nito, agad na nagpatupad ng mas mahigpit na patakaran ang MRT-3 upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Agad din nilang isinailalim sa RT-PCR swab testing ang lahat ng mga depot personnel.