NAGA CITY – Bumuhos ang libu-libong mga supporters ng mga kandidata mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa isinagawang Miss Earth Flora 2019 sa Jesse M. Robredo Coliseum sa lungsod ng Naga.
Nagtagisan ang 85 kandidata sa kanilang natatanging talento at ganda sa resorts wear parade maging sa evening gown competition.
Nangibabaw naman ang kagandahan at galing ni Miss Puerto Rico na si Nellys Pimentel na nasungkit ang Miss Earth Flora 2019.
Habang kinilala bilang 1st runner up si Abena Apiah ng Ghana at 2nd runner up naman si Hilary Islas Montes ng Mexico.
Tinanghal din bilang best in talent ang India, China at Austria.
Sa best in evening gown naman nangibabaw ang Venezuela, Spain at Thailand, habang kinilala naman ang Bolivia, Armenia, Thailand bilang Miss Congeniality Fire.
Nasungkit din ng Paraguay, Serbia at Vietnam ang Miss Congeniality Water habang Miss Congeniality Air naman ang Chile, Fiji at France at Miss Nicodemus ang Netherlands.
Samantala, wala namang nakuha kahit isang award ang pambato ng Pilipinas na si Janelle Tee.
Pinakilig din ni Tony Labrusca ang mga kandidata sa kanyang awiting “Mahal na Mahal” at sa interpretative dance ng Baao Siburay Performing Arts na nagbigay aliw sa mga tao.
Ang Miss Earth Flora 2019 ang kauna-unahang tampok na aktibidad sa lungsod ng Naga bilang bahagi ng nalalapit na coronation night ng Miss Earth sa Oktubre 26.