Inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) ngayong Miyerkules na bababa na ang maximum suggested retail price (MSRP) ng mga imported rice simula sa araw ng Sabado, Marso 1.
Sa isang statement, sinabi ni DA Sec. Francisco Laurel Jr. na ibababa na sa P49 kada kilo ang MSRP ng inangkat na bigas na kauna-unahang pagkakataon simula ng magkaroon ng MSRP.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi ipapatupad ang naturang MSRP sa buong bansa, sa halip, magpapatupad ang DA ng surgical approach sa pamamagitan ng pag-implementa ng mas mababang MSRP sa piling mga lugar sa Metro Manila, key cities at iba pang urban centers.
Marami na kasi aniya sa mga lugar sa mga probinsiya ang nakitaan ng mas mababang presyo ng imported rice kumpara sa MSRP.
Layunin nga ng pagpapatupad ng MSRP sa imported rice na makontrol ang retail prices ng mga inangkat na bigas para maging akma sa steady na pagbaba ng mga presyo sa pandaigdigang merkado at sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tapyasan ang taripa sa imported rice mula sa 35% sa 15%.