-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ibinunyag ngayon ng pulisya na matagal na pala ang plano ng Dawlah Ismaliyah-Maute terror group na bombahin ang Mindanao State University main campus na nakabase sa pitong barangay ng Marawi City,Lanao del Sur.

Batay sa paglalahad ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region Director Brig Gen Allan Nobleza na buwan ng Hunyo 2023 pa ang target ng grupo na pasabugan ng bomba ang MSU-Marawi batay sa kautusan ni dating South East Asia ISIS emir Abu Zacaria alyas Abu Dar subalit hindi natuloy dahil naunahan ito ng state force at napatay sa kanyag safehouse sa Marawi City noong Hulyo.

Sinabi ni Nobleza na tila naglaho rin ang bomb threat na iyon nang mapaslang si Abu Dar kaya na naibaling sa ibang focused offensives ang government forces partikular sa ibang bahagi ng BAR.

Inamin ng heneral na panay ang kanilang pagkatanggap intelligence informations patungkol sa mga pagbabanta ng grupo na magsagawa ng mga pambobomba subalit hindi tiyak ang mga lugar.

Ito ang umano ang dahilan na maigting ang pagsagawa ng lower units ng ‘target hardening measures’ upang masupil ang anumang mga galawang terorismo sa rehiyon.

Kung maalala,bago ang naganap ang MSU gymnasium bombing sa Marawi City,nasa 14 na mga terorista ang matagumpay na napaslang ng joint police-military operations sa Maguindanao del Sur,Basilan at Lanao del Sur noong unang linggo ng Disyembre.