CENTRAL MINDANAO Magsasagawa ng libreng bread and pastry skill Training ang lokal na pamahalaan ng Midsayap sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) katuwang ang Public Employment Service Office o PESO-Midsayap at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA XII.
Ang naturang pagsasanay ay bukas para sa mga drug surrenderees at persons deprived from liberty (PDLs) na magsisimula ngayong buwan ng Setyembre.
Ayon kay MSWDO-Midsayap officer Karl Ballentes na 16 slots lamang ang mayroon para sa skills training kung saan sasanayin ang mga magiging benepisaryo nito sa paggawa ng tinapay at iba pang baked-products.
Maliban rito, makakatanggap pa ang mga benepisyaryo ng cash allowance na P160 kada araw, P500 worth ng personal protective equipment (PPE) at P500 load wallet.
Sa mga nais mag-apply ay bumisita lamang sa opisina ng MSWDO-Midsayap.
Paalala naman nito na magkakaroon ito ng “first come, first serve” basis dahil sa limitadong slots sa skills trainings at tatanggap lamang ito ng aplikante hanggang sa September 11, 2020.